Chapter 1: Isang Gabing Madilim
Gabi, sa isang madilim na bahagi ng kagubatan.
“Kailangang hindi nila ako maabutan!”
Takot na takot na sabi ng isang babae. Basang-basa ang damit nya sa pawis. Puro galos sa pagkakasabit sa mga halamang may tinik ang binti nyang puno na ng dugo. Umaalingawngaw ang warning shot ng baril ng mga humahabol sa kanya sa madilim na kakahuyang iyon. Hindi na nya alam kung anong oras na ba dahil balot ng dilim ang gabi liban sa kapiranggot na liwanag na galing sa buwang papaliit na. Nagkubli sya sa puwang ng isang malaking puno. Pikit-matang pinaglalabanan ang takot sa ahas at iba pang hayop sa kakahuyan. Nanghihina na sya, parang hihimatayin sa pagod pero kailangan nyang makaalis sa lugar na yon at maisahan ang mga lalaking humahabol sa kanya.
Sa kabilang banda ng kakahuyan ay parang mga asong ulol ang apat na lalaking humahabol sa kanya. Ang isa ay iika-ika pa habang tumatakbo at panay ang mura.
“May kakalagyan kang babae ka. Pag namatay ang kuko ko sa paa, isusunod kita!” gigil na sabi ng lalaking may kabilugan ang mukha, kulot ang buhok at sarat ang ilong. Humahangos namang humabol sa tatlong lalaking nauna ang isang matipunong lalaki na naka-leather jacket, ang boss ng grupo. Pinaputok nito ang baril at saka sumigaw.
“Wala kang mapupuntahan kaya kung gusto mo pang mabuhay, sumama ka na sa amin nang hindi na kami nahihirapan,”sabay putok ng baril. Abala naman ang dalawang iba pa sa paggalugad sa bawat sulok na matapatan nila. Yung payat na matangkad ay hinampas pa ang kulumpon ng baging na nakapulupot na matandang puno.
“Mabuti pa ay maghiwa-hiwalay tayo. Dito ako sa direksyon na ito pupunta. Okay lang ba sa yo, boss?” suhestyon ng pinakabata sa kanila. Tumango ang lider ng grupo at sumenyas sa dalawang kasama na magkanya-kanya.
Nanatili pa din sa puwang ng malaking puno ang babae. Nakatulog na ito sa pagod at sakit ng katawan. Kapag kuwa’y may malaking palad na nagtakip sa bibig niya. Nanlaki ang mata nya sa nakita. Natunton na sya ng lalaki. Sumenyas ang lalaki na wag mag-ingay kundi ay papatayin sya nito. Tumango-tango ang babae at nanginginig habang itinayo sya ng lalaki.
“Akala mo siguro ay hindi kita matututunton? Sinundan ko ang bakas ng dugo mo sa mga dahon. Mapupusok ang kasama ko pero kulang sila dito,” itinuro ng lalaki ang sintido. Inalis nya sa pagkakatakip ng bibig ng babae ang kaliwa nyang kamay habang nakatutok ang baril gamit ang kanang kamay. Napaatras ng kaunti ang babae at tumingin sa paligid.
“Matigas talaga ang ulo mo, ano? Alam mo bang isang putok lang ng baril ko ay tapos na ang problema ng bosing ko?” gigil na sabi ng lalaki.
Nangilid ang luha ng babae. Nagmamakaawa ang mukha nitong nakatingin sa lalaki.
“Huwag maawa ka. Wala akong kalaban-laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo. Hayaan nyo na ako. Hindi ko maintindihan bakit ginaganito ninyo ako,” pagsusumamo ng babae.
Nakaamba pa rin ang baril sa babae. Nakataas ang dalawang kamay, dahan-dahang lumuhod ang babae at nagsumamong pakawalan. Nagdadalawang-isip ang lalaki sa gagawin. Hindi niya kayang manakit nang walang kalaban-labang babae pero hindi niya rin kayang harapin ang galit ng bosing nya. Sa bandang huli ay nanaig ang pagkatakot ng lalaki sa sinasabing bosing. Isang malakas na putok ng baril ang pinakawalan nito.
<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<< DOWNLOAD THE FILE TO READ IN FULL—- >>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>